Nov 8, 2016

Kung Bayani Ka Talaga


Kung bayani ka,
Bakit ang ibinuwis mo ay ang buhay ng iba?
Kung talagang bayani ka,
'Di ba dapat ikaw ang nagpaparaya at hindi ang nangdaya?
Kasi kung bayani ka,
Ang dapat na inuna mo ang kapakanan ng bayan at hindi ng angkan.
Kasi kung bayani ka talaga,
Ikaw mismo ang babangon sa di ka karapat-dapat na himlayan.
Kasi KUNG bayani ka... pero hindi, hindi talaga.
Read more »

Nov 6, 2016

Maligayang Kaarawan!



Apat na taon na pala 'to. Apat na taon na mula nang humanap ulit ako ng puwang sa Internet. Maliit na espasyo lang naman ang kailangan ko. Kahit naligaw ka lang kaya mo nabasa o akala mo ay clickbait kaya ka narito ay ayos lang sa akin.

Binuo at sumusulat ako sa loob ng apat na taon dahil naniniwala ako sa mga aral na itinuturo sa atin ng mga karanasan. Naniniwala ako na kung magiging mas matiyaga lang tayo upang pag-isipan o iproseso ang mga nangyayari sa atin sa bawat araw ay may mapupulot tayong mga aral. Marami sana tayong matututuhan sa buhay kung hindi lang tayo masyadong abala upang palampasin ang mga pagkakataon. Na marami Siyang ibibigay na pagkakataon para matuto tayo. Na kahit pinaniniwalaan ko ito, maraming beses pa rin akong hindi matuto sa aking pagkakamali at marami rin akong pinalampas na aral.

Sumusulat ako sa mga pagkakataong tulad nito: Kanina, sa jeep, habang nasa biyahe ako papuntang Simbahan, may nakita akong (sa tingin ko) mag-asawa. Nakaupo sila sa dulo ng jeep malapit sa pasukan; magkatapat sila. Ang babae ay kalong-kalong ang (sa tingin ko ulit) anak nila. Dahil hindi naman ganoon kalapad ang jeep, maliit lang ang puwang sa pagitan ng mag-asawa. Kayang-kaya maabot ng lalaki ang batang nakakalong.

Kinukulit ng lalaki ang bata at tuwang-tuwa naman ng bata sa ganito. At dahil nga natutuwa siya, nagiging malikot siya at bahagyang pumipiglas sa pagkakahawak ng babae. Sinita ng babae ang kanyang katapat na lalaki at sinabing, "ano ba? Baka mahulog."

Sumagot naman na ang lalaki na tila hindi magpapatalo, "kaya nga hawak mo e."

Narinig ko 'yun at napaisip ako, "Hala siya? Ikaw itong nanghaharot tapos kapag nahulog (yung bata) kasalanan niya (ng babae)?

Parang mababaw lang, 'no? Pero kung pag-iisipan mo nang mas mabuti, ilang beses ba tayong ganito sa ibang tao? Ilang beses bang tayo ang "nangharot" at kapag "nahulog" ay "kasalanan" niya? (o pwede rin namang vice-versa). Pagkatapos tayong magpasaya at magpasabik at kapag natuwa na at maaari nang mahulog ay sisisihin mo siya kapag nahulog dahil dapat ay "hawak" niya (ang puso niya) (o vice versa ulit).

Nagsusulat ako para sa mga pagkakataong ito; sa mga ugnayang ganito na may ipapaalala sa atin ang buhay. Tulad nito, na may mga bagay na kahit kaya nating gawin ay hindi natin dapat gawin.

Sumusulat ako sa mga pagkakataong buhay ang aking classroom at ang blog na ito ang aking Ikalawang Pisara.

Marami pang bagay na pwedeng matutuhan. At maiksi pa ang apat na taon.
Read more »

Oct 29, 2016

Spoken Word: Naalala mo Ba?

Sa unang pagkakataon, gumawa ako ng piyesa para sa isang Spoken Word. Marami pang dapat paunlarin dito pero ibabahagi ko na rin para sa mga naliligaw rito:

Naalala mo ba noong panahong nagmamahal ka? Bago pa magsimula ang araw mo, wala ka nang ibang iniisip kundi siya. Bago ka pa bumangon sa kama, bago mo pa lasapin ang almusal na inihanda ng iyong ina, bago ka pa guluhin ng iyong mundo, iniisip mo na siya.
Naaalala mo ba noong nagmamahal ka? Tinik sa lalamunan mo kapag may kinukwento siyang iba. Naiinis ka doon sa bago niyang kakilala na lagi siyang pinatatawa. O doon sa iba pa niyang kaibigan na lagi niyang kinukwento. Gusto mong sabihin sa kanyang, "kaya kong higitan lahat 'yan, sabihin mo lang." Handa mo namang buhatin ang lahat ng problema niya. Gusto mong malaman kung kailan siya masaya, kung may pwede ka bang magawa kapag malungkot siya. Gusto mong iparamdam sa kanya na "kung wala na siyang maintindihan at kung wala ka nang makapitan... Lagi ka naman nandyan. Na hindi siya mag-iisa, na iwanan man siya ng mundo, hindi ka mag-iiba...
Bumibigat ang iyong paghinga sa tuwing tinitignan ka niya, at naalala mo ba, kung paanong ninakaw ng pag-iwan niya sa'yo ang lahat ng hangin na pwedeng pumasok sa iyong baga. Kung paanong nadurog ang iyong puso at tanging tadyang mo lang ang maaaring sumalo sa durog na piraso nito. Naalala mo ba ang panahong tila gusto mo ng mamatay? Kasi akala mo wala nang dahilan para mabuhay dahil handa mo namang ibigay lahat hanggang sa dulo...
Binalot ka ng luha at hapdi, sakit at pighati hanggang sa makalimot ka...
Pero sana maalala mo rin... Na may nagmamahal sa'yo. Na bago pa nalikha ang buong mundo at lahat ng nakikita mo. Bago pa ang unang beses na nagawa mong dumilat o bago ka pa nagsimulang mamulat sa mga bagay... May nagmamahal na sa'yo. Bago mo nga natutuhang magmahal, minamahal ka na Niya... At nagawa niyang iwan ang trono Niya sa langit para sa'yo. Sinuot niya ang tinik na putong ng korona sa kabila ng lahat ng panlilibak at pang-aalipusta. Naaalala mo na ba kung sino Siya? Ang hari ng lahat ngunit nagawang mag-alay ng buhay para sa mga taong tinuturing siyang kaaway. At pinasan Niya ang lahat ng kasalanan ng mundo para lang hindi mo na mag-isang dadalhin ang problema mo. Dahil kahit anong pilit mo, magkakamali ka, pero Siya? Hindi mag-iiba.
Bumigat ang Kanyang paghinga... Habang nakapako Siya sa krus upang ipakita ang tunay na pagmamahal... Kasi kung yung sa inyong dalawa hindi nagtagal? Yung Kanya, lagpas kamatayan. Binalot ng luha, pait at hapdi ang lahat ng tao na sa Kanya'y naniwala pero pagkatapos ng 3 araw pinatunayan Niya na kaya Niya ring ibigay kahit ang iyong paglaya. Sana maaalala mo na hindi mo naman kailangan pantayan ang pag-ibig na ito, pero sana wag mo ring tatanggihan kung iaalok Niya sa'yo.

---------
Gusto ko pa matuto. Marami pang dapat ayusin dito.

Read more »

Anong Masama sa Pag-iisa?

May mali ba sa akin kung hindi ako nalulungkot kapag mag-isa? Sa gitna ng lahat ingay at dagundong ng elektronikong tunog at natural na ingay ng mga nag-uusap ay nahahanap ko ang sarili ko na mag-isa. Nakikita ang sarili na sumasabay sa iba't ibang awit sa gitna ng isang concert. Sa katunayan, sa sobrang dali para sa akin gumawa ng sarili kong mundo, hinahabi ko ang mga kaisipang ito habang may kumakanta.

Lumipas ang isang mahabang araw. Mas madalas na marami akong nakasamang iba't ibang tao dahil maaaring nahaharang lang ako o may gusto makipag-usap.

Ilang beses ko naman ng napatunayan pero minsan tinatanong ko pa rin ang sarili ko bakit ba hindi ako nalulungkot mag-isa.

Kaya ko siguro isinusulat ito dahil sa dalawang dahilan: Una, para hindi na magtaka ang mga nakakakilala sa akin bakit may mga pagkakataon akong mag-isa. Gusto ko nang malaman ninyo na okay lang ako at kung tatanungin n'yo ako kung, "bakit kayo mag-isa?" baka ang ang default na sagot ko ay, "hindi ko kailangan." Pangalawa, alam kong hindi lang ako ang nag-iisang hindi takot mag-isa. Gusto ko lang malaman mong naiintindihan kita.

Anumang mundo ang binubuo natin sa kanya-kanya nating isipan, naniniwala akong lahat ng bagay may dahilan.

Random post muna. Susulat ako nang mas maayos tungkol dito sa susunod.
Read more »

Oct 6, 2016

Para Sa Mapang-asar na Ulan

Ito na naman ang malakas na ulan. Ulan na hinihintay mo. Ito kasi ang makapagbibigay ng gusto mo (ehem! Suspension).

Pero may mga ulan talagang ganyan lang -- malakas. Tipong mambabasa lang. Tipong ipararamdam sa'yo ang presensya ng pagiging ulan niya. At kapag basa ka na, kapag naramdaman mo na ng lakas, ang tindi, ang hagupit ng parang bagyo na parang hindi at kapag umasa ka na na iyan nga ang hinihintay mo para sa bagay na gusto mo, titigil din iyan. Titigil na parang bumuhos lang para mang-asar. Ang magpaasa. Titigil iyan na parang walang nangyari -- maliban sa lugar kung saan ito bumagsak.

Parang siya.

Ang taong dumating sa buhay mo na parang mapang-asar na ulan. Pagkatapos iparamdam sa'yo ang mga bagay na nagpabago sa'yo at akala mo siya na ang makakapagbigay ng matagal mo nang hinihintay, mawawala rin siya. Titigil. Dumating nang walang pasabi. Umalis nang walang paalam.

Buti pa ang ulan, kaya mong paghandaan. May madilim at makapal na ulap na kahit papaano ay magpapaalala ng nagbabadya. Samantalang sa kanya, walang kahit anong babala ang naghanda sa'yo. Walang payong ang matibay, walang silong ang matatakbuhan.

Nagkamali ka lang siguro na sa ulan ka umasa para makapagpahinga. Sa kanya ka naniwala para sa bagay na hinihintay mo. At sa huli, pareho nitong nadurog ang puso mo.

Pero pwede mo pang pulutin at ipaayos ang mga durog na piraso nito sa tunay na nagmamahal sa'yo. Sa Kanya na nagdisenyo nito. Sa Kanya na lumikha ng ulan. Sa Kanya na mas matindi pa sa anumang bagyo pero hindi nanalanta kundi ang pangako ay kapayapaan. Sa Kanya na kaya kang bigyan ng tunay na pahinga at pag-asa. Siya na hindi nang-iiwan at magpapaasa.
Read more »